Ipinasususpinde ng Makabayan Bloc ang implementasyon ng “twice-a-month” o dalawang beses sa isang buwan na release o pagbibigay ng sweldo sa mga pampublikong guro.
Ngayon kasing Enero ay ginawa na tuwing akinse at katapusan (15th & 30th) ang pagbibigay ng sahod sa mga guro matapos na aprubahan ng Department of Education (DepEd) ang memorandum kaugnay rito.
Dati ay tuwing ika-22 araw sa kada buwan ang bigayan ng sweldo sa mga guro at isahang bagsakan lamang ito.
Dahil dito, pinasisilip ng Makabayan ang bagong salary scheme sa mga guro na inirereklamo ngayon bunsod ng hindi ito dumaan sa konsultasyon.
Sa House Resolution 2468 ay pinasisiyasat ng Makabayan “in aid of legislation” sa House Committee on Basic Education and Culture ang nasabing isyu.
Inirereklamo naman ng mga guro na ang “twice-a-month” na sahod ay mangangahulugan ng dagdag na charges sa ATM withdrawal, pagdoble ng loan deductions, dagdag na workload para sa mga support personnel na naghahanda ng payroll at epekto sa buwanang bills ng mga guro.
Dagdag pa rito ang problemang kakaharapin ng mga guro na may lowest pay bracket na P5,000 at iba pang epekto sa mga bayarin at pinansyal na obligasyon ng mga guro.