Twin-bombing incident sa Jolo, Sulu, hindi dapat magamit para i-justify ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law

Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na hindi dapat magamit ang twin-bombing incident kahapon sa Jolo, Sulu para i-justify ang Anti-Terror Law.

Paglilinaw ni Zarate, kinukundena nila ang napakasamang pangyayari na ito na ikinasawi ng mga sundalo at mga sibilyan pero nanindigan ang kongresista na hindi ito dapat gawing batayan para pangatwiranan ang pinaniniwalaan nitong unconstitutional na terror law.

Kung tutuusin aniya ay hindi na kailangan ang nasabing batas dahil nagagawa namang ma-trace ng mga otoridad ang mga bombers o teroristang nasa likod ng pag-atake.


Inihalimbawa rito ng kongresista ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na posibleng may kaugnayan sa twin-bombing sa Jolo ang hinahabol noong terorista ng apat na army intelligence na nasawi matapos pagbabarilin ng mga pulis noong June 29 na nangyari rin sa Jolo.

Nanawagan si Zarate ng malalimang imbestigasyon at pagtiyak na mapapanagot ang mga nasa likod o utak ng sunod-sunod na pagsabog sa Sulu.

Facebook Comments