Tinalakay sa ginagawang bilateral talks nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang usapin na may kinalaman sa two-way tourism para sa post-pandemic era, maging ang mutual recognition ng vaccine certificate ng Singapore at Pilipinas.
Sa press conference sa Singapore, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na mahalagang usapin ang sociocultural at people-to-people exchange katulad ng two-way tourism para mas agad na makabangon dulot ng pandemya, lalo’t ang Singapore ang isa sa top source ng turista mula sa ASEAN noong 2019.
Mahalaga rin aniya na mapagusapan ang mga health protocol na ipinatutupad ng dalawang bansa katulad ng mutual recognition ng vaccine certificates para mas maging madali ang pagbyahe ng Pilipino sa Singapore at pagbyahe ng mga Singaporean sa Pilipinas.
Kasama rin sa pinag-uusapan sa bilateral talks ang tulong ng Singapore kaugnay sa technical and human resource development sa Pilipinas, political and security cooperations, law enforcement, maritime cooperation at economic cooperations may kaugnayan sa post-pandemic recovery.
May mga agreements din daw na pipirmahan at ito ay ang arrangement patungkol sa regional counterterrorism information facility.
Pipirmahan ang agreement ni Philippine Army Deputy Chief of Staff for Intelligence Major General Romulo Manuel Jr., at kanyang counterpart dito sa Singapore.
Pipirmahan din ang Memorandum of Understanding on Cooperation in Personal Data Protection at si Commissioner John Henry Donaga mula sa National Privacy Commission (NPC) ang pipirma sa panig ng Pilipinas.
Ang bilateral talks ay sinimulan kaninang pasado alas-10:00 ng umaga.