Typhoon Lawin Emergency Shelter Assistance, Yolanda Part 2?

Tuguegarao City, Cagayan – Nakatakdang isagawa ang pangalawang protesta ng grupong kumakatawan sa mga nasiraan ng bahay mula sa Isabela at Cagayan bunsod ng bagyong Lawin na rumagasa noong nakalipas na taon.

Ang naturang protesta ay gagamitin ding pagkakataon upang isumite ang pangalawang listahan ng mga nasiraan ng bahay dulot ng malakas na bagyo.na hindi umano nakatanggap ng tulong.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Ginoong Isabelo Adviento, ang pinuno ng grupong Danggayan-Cagayan Valley at kasapi ng executive commitee ng Tulong Sulong Cagayan Valley, sinabi niya na ang nakatakdang rally bukas, Nobyembre 20, 2017 ay pangatlo na nilang pakikipag ugnayan sa DSWD Rehiyon Dos.


Ang una ay ang kanilang ginanap na rally noong Oktubre 23, 2017 sa harap ng DSWD upang isiwalat ang umanoy dispalinghadong Emergency Shelter Assistance(ESA) program ng naturang ahensiya. Sa rally na iyon ay nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Tulong Sulong Cagayan Valley at ni DSWD OIC Regional Director Lucia Alan at napagkasunduang isumite ng grupo ang mga listahan ng nasiraan ng bahay na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa ESA.

Ang pangalawa ay noong Oktubre 30, 2017 sa kanilang pagsusumite ng 12, 000 na mga pangalan buhat sa Isabela at Cagayan na nasiraan ng bahay na sinasabing hindi naambunan ng ESA.

Samantala, sa nakatakdang rally bukas ay mahigit 7, 000 pang mga pangalan ang sisikaping iabot sa DSWD na umanoy hindi nagawang nakita ng DSWD at mga LGU sa nakalipas nilang pagtuntun sa mga mapinsala ang kanilang bahay noong nakalipas na taon.

Matatandaan na nagkaroon ng kontrobersiya ang ESA program ng DSWD sanhi nang may mga umanoy di karapat dapat na nabigyan ng tulong samantalang marami ang nalampasan ng mga ground validators ng DSWD at mga LGU’s.

Naging usap usapan din sa social media dito sa Cagayan at Isabela ang kaso ng isang ESA recipient na ginamit ang larawan ng tirahan ng kanyang kapitbahay upang makatanggap ng ESA sa gobyerno.

Samantala, hanggang sa oras na isinusulat ang balitang ito ay di pa tumutugon ang DSWD Region 2 sa kung ano ang panig nila sa isyung ito.

Abangan bukas ang kasunod na report sa magiging katugunan ng DSWD sa posibleng mangyayaring komprontasyon nila sa grupong Tulong Sulong Cagayan Valley.

Facebook Comments