Patuloy na lumalakas ang bagyong Quinta na nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na huling namataan sa layong 285 kilometers hilaga hilagang-kanluran ng Kalayaan Islands, Palawan.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 155 Kilometers Per Hour (km/h) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 190 km/h na kumikilos pakanluran sa bilis na 30 km/h.
Ayon kay PAGASA Weather Forecaster Joey Figuracion, bagama’t nasa labas na ng bansa ang bagyo, magdadala pa rin ito ng pulo-pulong pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Maliban sa bagyo, makakaranas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang Batanes at Cagayan bunsod naman ng tail-end of a frontal system.
Habang inaasahang magiging maganda na ang panahon sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa pero posible pa rin ang pag-ulan sa gabi dulot ng localized thunderstorm.
Samantala, isa ng ganap na Tropical Depression ang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng bansa na huling namataan sa layong 2,125 kilometers silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 km/h malapit sa gitna pagbugsong aabot sa 55 km/h na wala pa naming epekto sa ating bansa.