Uber, handang magbayad ng mas malaking multa kapalit ng pagbawi ng LTFRB sa ipinataw na suspensyon

Manila, Philippines – Nag-alok ang Uber Philippines na magbayad ng higit pa sa 5 milyong pisong multa sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB.

Pero ang magiging kapalit nito ay ang pagbawi ng LTFRB sa isang buwang suspensyon na ipinataw sa Uber.

Ito ang napagkasunduan ng Uber at LTFRB sa kanilang paghaharap sa pulong na ipinatawag ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe.


Sa pulong ay napagkasunduan na kailangang isapormal ng Uber ang apela nito na pag-aaralan naman ng LTFRB sa nakatakdang board meeting nito sa darating na Miyerkules, August 23.

Ayon kay Uber Regional General Manager Mike Brown, inaako nila ang responsibilidad sa namuong “misunderstanding” o hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila at ng LTFRB.

Sabi ni Brown, magmumulta na lang sila kahit mas malaki basta’t makabalik ang kanilang mga drivers sa lansangan at makapagsilbi sa mamamayang Pilipino.

Sa nabanggit na pulong ay iminungkahi naman ni Senator JV Ejercito na bawiin na ang suspensyon sa biyahe ng Uber at maging parusa na lang dito ang isang taon na hind pagkolekta sa porsyento mula sa kita ng kanilang mga drivers o Transport Network Vehicles.
Pero pumalag aniya dito ang Uber.

Giit naman ni Senator Poe, na ang mga pasahero ang dapat pangunahing mapapaboran sa anumang mapagkakasunduan ng LTFRB at Uber.

Kabilang sa mga dumalo sa nabanggit na pulong mula sa panig ng LTFRB ay ang chairman nitong si Martin Delgra, at Board Members na sina Aileen Lizada at Ronaldo Corpuz.

Kabilang naman sa mga opisyal ng Uber na humarap mula sa panig ng Uber ay sina Regional General Manager Mike Brown, Regional Regulatory Lead Ben Brooks, PH General Manager Laurence Cua, at PH Government Relations and Public Policy Head Yves Gonzalez.

Facebook Comments