Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station, sa pamamagitan ng kanilang isinagawang dalawang araw na KKDAT summit na dinaluhan ng nasa animnaput tatlong Kabataan na kinabibilangan ng mga SK Chairman mula sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ay lalong napalakas at napaigting ang relasyong ugnayan ng kapulisan at ng mga kabataan.
Layon din ng aktibidad na imulat ang kamalayan ng mga kabataan at magsilbing boses sila kontra droga at terorismo. Ito ay para mailayo rin ang mga kabataan sa pananamantala ng mga makakaliwang grupo na sumisira sa kanilang kinabukasan.
Tampok sa dalawang araw na KKDAT Summit na aktibong nilahukan ng mga kabataan ang iba’t-ibang mga palaro, slogan contest, poster making, at Search for Mr. and Miss KKDAT 2022 kung saan tinanghal naman bilang Champion ang pambato ng East Tabacal Region partikular ang Brgy. San Luis na sina Ms. April Antonette Manalansan at Mr. Nyler Josh Sinuto na nagrerepresenta naman sa mga programa at aktibidades ng Isabela Police Provincial Office.
Bukod sa mga nabanggit na aktibidad ay nagkaroon din ng Zumba Dance, Tree planting, Feeding program at lecture patungkol sa Leadership o pamumuno.
Bago natapos ang aktibidad ay hiniling ng kapulisan ang tulong ng mga kabataan kaugnay sa kanilang kampanya kontra droga at terorismo at inaasahan din sa mga ito na magagampanan nila ang kanilang tungkulin sa kanilang nasasakupang barangay.
Pinangunahan naman ang nasabing aktibidad nina PLTCOL SHERWIN F CUNTAPAY, Hepe ng PNP Cauayan; PLTCOL MICHAEL A AYDOC, Chief ng Police Community Affairs and Development Unit ng Isabela Police Provincial Office; mga City Councilors ng Lungsod ng Cauayan; ilang kawani ng DILG Cauayan at ng IACTF kung saan binanggit nila na ang mga kabataan ngayon ay magsisilbing pag-asa ng mga kabataan sa susunod na henerasyon.
Labis naman ang pasasalamat ng hepe ng PNP Cauayan sa suporta ng LGU sa pangunguna ni City Mayor Jaycee S. Dy Jr. at sa lahat ng tumulong at nakilahok sa matagumpay na 1st KKDAT Summit.