
Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng koneksyon ng mga hinihinalang smuggled cigarettes na nasamsam sa magkahiwalay na operasyon ng Highway Patrol Group sa Batangas City at Malabon City noong December 31.
Una nang nasamsam ang tinatayang P1.1 bilyong halaga ng mga hindi rehistradong sigarilyo sa Batangas City, na sinundan ng pagkakadiskubre ng humigit-kumulang P1.5 bilyong halaga ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento sa Malabon City.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagsasagawa na ng intelligence gathering at koordinasyon ang PNP sa mga concerned na ahensya upang matukoy kung iisang grupo o kaparehong modus lamang ang nasa likod ng dalawang insidente.
Dagdag pa ni Nartatez, hindi umano maituturing na small-time operation ang mga nasabing insidente dahil may mga bodegang imbakan, planadong logistics, at malaking puhunan ang operasyon.
Aniya, malinaw itong indikasyon ng pagkakasangkot ng mga organisadong grupong kriminal.
Tiniyak naman ng PNP na paiigtingin pa ang imbestigasyon upang mapanagot ang mga responsable sa ilegal na operasyon.










