Tiwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na sa pamamagitan ng alyansa ng Pilipinas sa Japan ay patuloy na lalakas, at titibay ang kakayahang pandepensa at pangkalahatang seguridad ng Pilipinas.
Inihayag ito ni Romualdez matapos ang pulong niya kay Japanese Speaker Fukushiro Nukaga sa Tokyo Parliamentary Building kung saan natalakay ang pagpapa-igting sa defense at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan at pagpapalawig ng trilateral cooperation kasama ang Estados unidos.
Ayon kay Speaker Romualdez, binanggit pa ni Nukaga na ang pangingibabaw ng batas ang dapat na maging batayan ng seguridad at pagtaguyod ng demokrasya, lalo na sa pagpapanatili ng pandaigdigang kaayusan.
Sabi ni Romualdez, bilang dalawang beses na naging pinuno ng Japan Defense Agency, ay nauunawaan ni Nukaga ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng bawat bansa na may parehong pagpapahalaga at nagtataguyod ng demokrasya.
Ayon kay Romauldez, ang Japan ay isa sa pangunahing pinagmumulan ng kagamitang pangdepensa at suporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas tulad ng pagbibigay nito ng radar systems, mga helicopter at barko sa Coast Guard at Philippine Navy.