Nanawagan si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st district Representative Janette Garin sa liderato ng Kamara at Senado na amyendahan ang Universal Health Care (UHC) Law.
Ayon kay Garin, walang saysay ang mga mungkahi na palitan ang namumuno sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung hindi naman mababago ang nilalaman ng UHC Law.
Bunsod nito ay maghahain din si Garin ng resolusyon na mag-aatas sa House Committee on Health na pag-aralan ang mga probisyon ng UHC Law.
Tinukoy ni Garin na pangunahing dapat ayusin ang “killer provisions” na nakasaad sa section 34 ng UHC law na nagtatakda na kailangan pang dumaan sa phase IV ng clinical trial ang mga gamot, bakuna at medical services.
Pinuna rin ni Garin ang nakapaloob sa batas na paglikha ng Health Technology Assessment Council na aniya’y bunga ng impluwensya ng anti-pharmaceutical groups at mga dating opisyal na nais magkaroon ng awtoridad hinggil dito.