Hindi imposible na nakatutulong sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay ang mga bagong variants nito na nandito na sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na batay sa mga ebidensiya, ang South African variant ay mabilis ding makapanghawa.
Gayunman, kailangan aniyang unawain na para tumaas ang kaso sa bansa, ang dahilan nito ay ang usapin ng compliance o pagsunod sa minimum health standards o safety protocols.
Ibig sabihin, kahit andiyan ang mga bagong variants ng virus kung tatalima ang publiko sa minimum health protocols ay maiiwasan ang transmission nito.
Sa ngayon ay may 6 na south African variants na na-detect ang DOH sa bansa, habang higit 30 naman sa UK variants.
Sinabi naman ni Dr. Rogent Solante ng San Lazaro Hospital, tinututukan na ng ilang vaccine companies ang mga bagong variants.
Kasunod nito iginiit ni Vergeire na hindi dapat maalarma sa bagong variant ng COVID-19 na nakita sa Pilipinas basta’t sundin lamang ang health and safety protocols at dahil dumating na ang mga bakuna pangontra sa virus.