Aalamin muna ng National Security Council (NSC) kung totoo ang ulat hinggil sa nakatambak na mga patay at durog na corals sa Sandy Cay 2 bago gumawa ng hakbang.
Sabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, iimbestigahan muna nila ang ulat at aalamin kung sino at kailan itinambak ang mga patay at durog na coral reef sa lugar.
“In the meantime, dahil ito pong balitang ito ay kapuputok lamang, uunahin po muna natin yung pag-verify. We must verify the circumstances and facts behind what happened here,” ani Malaya sa Bagong Pilipinas Ngayon.
“Baka sabihin na naman ay gumagawa na naman tayo ng political drama out of fiction. So para masiguro natin iyong ating magiging hakbang, the first thing that we must do is due diligence. Mag-imbestiga po tayo at alamin natin kung ano ba talaga yung circumstances sa nangyari,” dagdag niya.
Una nang iniulat ng Philippine Coast Guard ang pagkasira ng mga coral sa Rozul Reef at Escoda Shoal.
Bago ito, nasa halos 50 barko ng China ang namataan sa mga nasabing bahura mula August 9 hanggang September 11.
Itinanggi naman ng China na sila ang may kagagawan ng pagkasira ng mga coral at iginiit na walang factual basis ang akusasyon ng Pilipinas.