Mananatili ang rule based sa West Philippine Sea (WPS) gayundin sa kalakhan ng South China Sea partikular na sa mga teritoryong sakop na soberenya ng bansa.
Ito ang paninindigan ng Department of National Defense (DND) kasunod ng mga ulat na dumarami na namang muli ang mga namamataang barko sa WPS partikular sa Iroquios Reef at Sabina Shoal.
Ayon kay Defense Officer-In-Charge Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., malinaw ang mandato sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na walang isusuko kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.
Kaya naman patuloy na magsasagawa ng routine maritime at aerial patrol sa West Philippine Sea upang mangalap ng mga kinakailangang impormasyon.
Dagdag pa ni Faustino, nananatiling bukas ang linya ng komunikasyon ng bansa para idaan sa diplomatikong usapan.
Subalit hindi aniya katangga-tanggap ang anumang aktibidad na lumalabag sa soberenya at karapatan na bumabalewala sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.