Sisilipin din ng Senado ang napaulat na kaibigan at may koneksyon umano sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nanalo kamakailan ng ₱698-Million sa lotto.
Kasama ang mga opisyal ng PCSO ay magsasagawa ang Senado ng executive session para pag-usapan ang mga lumutang na isyu patungkol sa mga lotto winners.
Lumabas sa pagdinig ng Senado ang impormasyon na diumano ay ka-tropa ng ilang PCSO official ang nanalo ng nasabing halaga matapos na mag-invest ito sa kanila ng ₱30-Million.
Layon ng executive session na malaman ang pagkakilanlan ng naturang lotto winner at para mabigyang linaw na rin ang sabi-sabi na sadyang pinanalo ito.
Sakaling hindi totoo, sinabi ni Senator Raffy Tulfo, na siya mismo ay sasabihin sa komite na tsismis lamang ito pero sakaling ma-trace na may link sa PCSO ang lotto winners ay hihingi siya ng tulong sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno para i-cross check kung talagang konektado o isa sa mga kasamahan ang nanalo sa lotto.