Ulat na pag-aresto at pagkulong sa mga residenteng nagrereklamo sa social media ukol sa SAP, ikinaaalarma ng DILG

Ikinaalarma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang natatanggap nitong ulat hinggil sa umano’y pag-aresto at pagkulong sa mga residenteng nagpo-post ng concern nila sa social media tungkol sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.

Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, may mga residenteng hindi nakatanggap ng ayuda o hinatian at tinakot, ang idinadaan sa Facebook ang kanilang reklamo.

Pinupuntahan umano sila ng mga local official saka kinakaladkad papunta sa barangay hall at ikinukulong.

Ayon kay Diño, nasa 3,000 reklamo na ukol sa distribusyon ng SAP cash aid ang natanggap ng DILG, bukod pa ang mga reklamo ukol sa pagiging bayolente ng mga otoridad.

Pinaalalahanan naman ni Diño ang mga nagbabantay sa presinto na huwag ikulong ang sinumang dadalhin sa kanila ng mga opisyal ng barangay.

Aniya, may case build-up na ang lahat ng reklamong natanggap ng ahensya at sasampahan na ng kaso ang mga opisyal ng barangay sa sangkot sa anomalyang may kaugnayan sa pamamahagi ng ayuda.

Facebook Comments