Ulat na posibleng may kinalaman si Mary Ann Maslog sa pagtakas ni Alice Guo, pinatututukan din sa Senado

Pinatututukan ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa Senate Committee on Women ang ulat na tumulong si Mary Ann Maslog sa pagpapatakas kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo.

Si Maslog na siyang sangkot din sa 1998 P24 million textbook scam ay humarap kahapon sa Senado at sinasabi niyang tumulong siya sa para sumuko si Guo sa mga awtoridad.

Ayon kay Estrada, may mga natatanggap siyang unverified reports na posibleng itong si Maslog ay naging daan para makatakas si Alice Guo sa bansa papuntang Indonesia.


Hindi aniya malabo ito dahil si Maslog ang nagsabi rin na malapit siya kay Sual Mayor Dong Calugay na umano’y nakarelasyon naman ni Guo.

Dagdag pa rito ay sinabi rin ni Estrada na mas sinungaling pa si Maslog kumpara kay Guo.

Naguguluhan ang senador dahil may mga ulat na tumulong ito sa pagtakas ni Guo pero sinasabi naman ni Maslog na tumulong siya para maibalik sa bansa ang sinibak na alkalde.

Giit ni Estrada, hindi naman ito kapani-paniwala dahil sino ba naman siya para makipag-negotiate at mamagitan sa mga awtoridad at kay Guo gayong wala siyang kinabibilangang ahensya ng gobyerno at isa lamang siyang private citizen na malapit kay General Romeo Macapaz ng Philippine National Police Intelligence Group (PNP-IG).

Facebook Comments