Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na iimbestigahan ng Senado ang napaulat na ‘di umano’y sabwatan ng ilang doktor at pharmaceutical companies sa pagreseta ng gamot.
Nauna rito ay naghain si Senator JV Ejercito ng resolusyon para silipin ang ibinulgar ni health advocate Dr. Anthony Leachon na may mga doktor na tumanggap ng mamahaling sasakyan, relo at sari-saring regalo mula sa pharmaceutical companies kapalit ng pagreseta ng kanilang mga gamot.
Ayon kay Zubiri, suportado niya ang hakbang ni Ejercito na ipasiyasat ang isyu sabay diin na dapat sampahan ng patong-patong na kaso ang sinumang mapatutunayang nagsabwatan sa ginawang pagpapahirap sa publiko.
Lalabas aniya na may paglabag sa cheaper medicines law at generics law na mga batas na ipinasa ng mga mambababatas para maibaba ang presyo ng gamot.
Paglabag din aniya ito sa Anti-graft and Corrupt Practices Act kung sakaling doktor sa ospital ng gobyerno ang sangkot sa paglabag.