Ikinagalit ng grupo ng mga health workers ang natuklasan ng Commission on Audit (COA) hinggil sa pagbili ng Department of Budget and Management (DBM) – Procurement Service sa mga Personal Protective Equipment (PPE).
Ito ay matapos mapag-alaman na ang mga biniling PPE ay walang kaukulang dokumento upang ibenta o gamitin ng publiko dahil sa bigong nakapagpakita ang supplier ng Certificate of Medical Notification (CMDN).
Sinabi ni Filipino Nurses United (FNU) Secretary-General Jocelyn Andamo, mahalaga ang certification at regulation ng mga PPE upang matiyak ang kalidad nito at masiguro ang kaligtasan ng mga healthcare workers na gagamit nito.
Sinabi naman ni Alliance of Healthcare Workers (AHW) President Robert Mendoza na hindi dahilan ang pandemya para hindi dumaan sa pagsusuri ang mga naturang kagamitan at iginiit na dapat managot ang mga nasa likod ng isyu.
Dagdag pa ni Mendoza, dapat imbestigahan ito ng mga mambabatas kasunod na rin ng isyu ng maanomalyang 10 bilyong pisong kontrata na ginawad ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation mula 2020 hanggang 2021.