Hindi na ikinagulat pa ng Palasyo ang ulat ng Johns Hopkins Coronavirus Resource Center kung saan pumapangalawa na ang Pilipinas sa Southeast Asia na may pinakamaraming kaso ng Coronavirus Disease.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hangga’t walang gamot o bakuna laban sa COVID-19 ay talagang tataas ang kaso nito sa bansa.
Aniya, karamihan sa mga aktibong kaso sa bansa ay mild o asymptomatic at ang tinututukan ng pamahalaan ay ang mga magkakasakit ng severe o critical.
Pero sinisiguro rin ng gobyerno na may sapat silang kakayahan upang bigyang lunas ang mga severe o critical cases.
Paliwanag pa nito, hindi rin nababahala ang Palasyo sa nasabing ulat ng John Hopkins dahil sa mas aktibong pagpapatupad ng mga istratehiya ng pamahalaan, tulad ng pagsasagawa ng localized at granular lockdowns ng mga Local Government Unit (LGU) at ang pagpapalawak sa testing, tracing, treating at isolation capacity.