Pinaiimbestigahan ng ilang opisyal ng Dagupan City ang ulat ng umano’y pagbebenta ng vape na may halong cannabis, isang ipinagbabawal na droga, sa lungsod.
Iniulat ng Barangay Bonuan Binloc Council ang nasabing isyu at tinalakay ito sa ginanap na Vape Ordinance Committee Hearing noong Biyernes, Enero 16.
Sa panayam ng IFM Dagupan, sinabi ng mga opisyal na may ulat na ilang menor de edad ang posibleng sangkot sa umano’y pagbebenta at paggamit ng naturang vape.
Ayon naman sa pamunuan ng SK Federation ng lungsod, bunsod ng nasabing ulat ay nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at mas paigtingin ang pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa kaugnay ng vape.
Nanawagan ang mga opisyal na hintayin ang resulta ng imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan sa likod ng alegasyon at maprotektahan ang kapakanan ng mga kabataan.
Kasabay nito, muling tinalakay ng komite ang umiiral na vape ordinance ng lungsod na naglalayong higpitan ang regulasyon sa paggamit at pagbebenta ng vape, partikular sa mga menor de edad at sa mga lugar na malapit sa mga paaralan.







