Tuesday, January 27, 2026

Ulat ng umano’y pagkontrol ng China sa ilang Chinese-language media sa bansa, binabantayan ng Malacañang

Binabantayan ng pamahalaan ang mga ulat ng posibleng panghihimasok ng dayuhan sa pagpapakalat ng impormasyon sa Pilipinas, kasunod ng pahayag ng non-profit group na Sealight na kontrolado umano ng Chinese Embassy ng ilang Chinese-language media sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, matagal nang isyu ang foreign interference sa politika at impormasyon sa bansa.

Giit ng Malacañang, iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag, ngunit mariing kinokondena ang disinformation at fake news na banta sa pambansang interes.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang Presidential Communications Office (PCO) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang tukuyin ang posibleng inauthentic behavior at paglabag sa online platforms.

Nanawagan din ang pamahalaan sa mamamayan na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga nababasa at napapanood online.

Giit ng PCO, ang dapat ipaglaban at protektahan ay ang pambansang interes ng Pilipinas at hindi ang interes ng anumang dayuhang estado o grupo.

Facebook Comments