Kinikilala ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng World Justice Project (WJP) na mahina ang rule of law sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ito ay hamon sa kanila para mas pagbutihan pa ang kanilang trabaho lalo na sa pagpapatupad ng peace and order.
Nang sa ganun ay mapanumbalik din ang tiwala ng taumbayan sa justice system ng bansa.
Sa kabila naman na limitado lang sa tatlong lungsod ang pinagbasehan ng pag-aaral ng WJP at hindi sakop ang buong bansa, ikinokonsidera umano ito n PNP na mahalagang bagay para ma-review, mapag-aralan at makagawa ng adjustment sa pagbabantay ng seguridad.
Sa katunayan aniya dahil sa mga ganitong klase ng obserbasyon minadali na nila ang pamimigay ng body-worn cameras at pinalakas ang ugnayan sa Department of Justice (DOJ) para magkaroon ng reporma sa giyera kontra droga.
Pinagsisikapan din daw ng PNP na maging mas transparent at madaling lapitan para makatugon agad sa anumang mga sumbong.
Matatandaang batay sa ulat ng WJP na sa 139 na bansa, nasa ika-102 pwesto ang Pilipinas na may pinakamahinang rule of law.