Matapos na mamayagpag sa 2018 Jakarta-Palembang Asian Games, target naman ngayon ni Hidilyn Diaz na matupad ang kaniyang “ultimate dream” na makuha ang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympic Games.
Ayon kay Diaz, pruweba ang pagkakapanalo niya sa women’s 56 kilogram category sa weightlifting competitions na abot kamay ang kaniyang pangarap na magkampeon sa Tokyo Summer Games.
Kung sakali ito ang magiging kauna-unahang medalyang ginto ng bansa.
Simula kasi nang sumali ang Pilipinas sa Olympics hindi pa ito nakakapag-uwi ng ginto.
Maaalalang nakuha ni Diaz ang silver medal sa 2016 Rio de Janeiro Olympic Games sa Brazil.
Nakapag-uwi rin ng medalyang pilak ang mga boxer na sina Anthony Villanueva sa 1964 Tokyo Games at Mansueto Onyok Velasco sa 1996 Atlanta Summer Games.