Aalisin na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pangalang ‘Ulysses’ sa listahan ng tropical cyclone names.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ariel Rojas, inaalis sa listahan ang pangalan ng isang bagyo kapag umabot sa higit 300 ang casualties o umabot sa ₱1 billion o higit pa ang iniwang pinsala sa agrikultura at imprastraktura.
Sinabi naman ni PAGASA Public Information Unit Venus Valdemoro na awtomatikong matatanggal na sa listahan ang pangalang Ulysses pero papalitan ito ng pangalan ng isang tao o bagay na kaparehas ng unang letra.
Bukod sa Ulysses, tatanggalin na sa listahan ang ‘Ambo,’ ‘Quinta,’ at ‘Rolly’ dahil lumagpas sa ₱1 billion ang iniwang pinsala ng mga ito sa bansa.
Ang listahan ng pangalan ng mga bagyo ay binubuo ng apat na sets na may 25 pangalan at 10 auxiliary o ‘reserved’ names sakaling lumampas sa 25 ang dumaang bagyo sa bansa.
Ang bawat set ng pangalan ay ginagamit kada apat na taon.