Manila, Philippines – Umaasa si House Speaker Pantaleon Alvarez na aaprubahan din ng Senado ang panukala para sa dissolution of marriage.
Sa katunayan, sinabi ni Alvarez na ipinaabot niya sa pulong nila ni Senate President Tito Sotto sa Malakanyang kamakailan ang kanyang pag-asa na sa ilalim ng pamumuno nito sa Senado ay maipapasa ang diborsyo.
Binigyang diin ni Alvarez na marami ang maituturing na “trapped” sa mga hindi na magandang pagsasama ng mga mag-asawa na siyang dapat solusyunan ng gobyerno.
Ayon sa lider ng Kamara, marami siyang natatanggap na mensahe sa kanyang social media account na pawang mga apela para sa pagsasabatas ng naturang panukala.
Tinukoy pa nito ang resulta ng SWS survey na isinagawa noong nakaraang taon na 53% ng mga Pilipino ang sang-ayon para gawing ligal ang diborsyo sa bansa.
Mababatid na Marso 19, 2018 nang aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang ang House Bill 7303 o ang “An Act Institutionalizing Absolute Divorce and Dissolution of Marriage in the Philippines.”