Manila, Philippines – Umaasa ang grupong Bagong Alyansang Makabayan sa positibong resulta sa kaso nina Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casino at Rafael Mariano.
Ito ay matapos na hindi na tumutol ang prosekusyon sa inihaing motion for reconsideration ng mga abogado ng akusado.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, nangangahulugan itong hindi nila kinokontra ang kahilingang ibasura na ang umano ay gawa-gawang kaso na inihain noon pang 2006 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Umaasa ang grupo na magiging patas at makatarungan ang pasya ni Cabanatuan RTC Branch 25 Judge Trese Wenceslao dahil nakatakda na nitong resolbahin ang mosyong inihain ng kampo nila Ocampo, Maza, Casiño at Mariano.
Kumpyansa din ang bayan na ibabasura at babawiin ang warrant of arrest na inisyu ng korte laban sa grupo ni Ka Satur.
Ang mga akusado ay nahaharap sa double murder case dahil sa umano ay pagpatay kina Carlito Bayudang noong 2004 at Jimmy Peralta noong 2003 sa Nueva Ecija.