Manila, Philippines – Umaasa si Senate Minority Leader Franklin Drilon na may mailalatag si Pangulong Rodrigo Duterte na konkretong solusyon sa mga problema ng bayan sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) mamayang hapon.
Kabilang sa tinukoy ni Drilon ang kahirapan, tumataas na presyo ng bilihin, patuloy na breakdown ng law and order, tumataas na antas ng kriminalidad lalo na ang mga kaso ng Extra-Judicial Killings (EJK).
Ipinaalala pa ni Drilon sa Pangulo na kaya sya ibinoto ng 16 na milyong mga Pilipino ay dahil sa pangako niya na sa loob ng anim na buwan ay pipigilin yung ilegal na droga at aayusin ang peace and order situation sa bansa.
Idinagdag naman ni Senator Kiko Pangilinan ang sigaw ng taumbayan na pagtaas sa sweldo at trabaho.
Bukod dito ay nais ding marinig ni Senator Bam Aquino ang aksyon ng Pangulo sa panawagang suspension sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law at pag-rollback ng buwis na nakapataw sa petroleum products.
Agad namang kinontra ni Senator Risa Hontiveros ang pahayag ng Malakanyang na ilalahad ni Pangulong Duterte ang estado ng bansa bilang isang mapagmahal at mapagkalingang ama ng ating bayan.
Si Senator Antonio Trillanes IV naman ay inaasahang hindi mawawala ang pagmumura sa talumpati ng Pangulo gayundin ang psgbibigay-katwiran sa isinusulong na charter change para bigyang-daan ang pagpapalit sa porma ng gobyerno patunong federalism.
Si Trillanes ay walang plano dumalo sa SONA ng Pangulo pero isa ito sa mga mangunguna sa isang aktibidad pagkatapod ng talumpati ng Pangulo at yan ay mamayang alas-singko ng hapon sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR).