Umakyat na sa 6,368 na mga pasyenteng gumaling o nakarekober habang umaabot naman sa 6,734 ang kumpirmadong kaso sa COVID-19, 204 ang nasawi at 162 ang active cases na kasalukuyang sumasailalim sa gamutan o quarantine.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, nakatanggap umano sila ng 300 doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na donasyon mula sa China.
Paliwanag ng alkalde, dumating kahapon ang ibinahagi ng Department of Health (DOH) na 300 doses ng COVID-19 vaccine sa Mandaluyong City Medical Center na tinanggap naman umano ni MCMC Director Dr. Zaldy Zarpeso, Administrative Officer Dr. Cesar Tutaan at Dr. Elizabeth Carpeso.
Dagdag pa ni Mayor Abalos, ang mga medical frontliner ng Mandaluyong City Medical Center ay sisimulang bakunahan bukas na Sabado.
Ikinatuwa naman ng alkalde ang maraming mga residente ang nagparehistro na nais magpabakuna kung saan umaabot sa 45,086 na nagparehistro online noong Miyerkules.