Manila, Philippines – Pinalagan ng mga labor groups ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga manggagawa na huwag magpa-udyok sa mga labor leaders na gusto ng strike na nagiging dahilan para ayawan ng mga mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa bansa.
Ayon kay Alan Tanjusay, Spokesperson ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), sa halip na kastiguhin ng Pangulo ang mga labor advocates, tutukan na lamang nito ang pagsugpo sa red tape at corruption sa gobyerno.
Gayundin ang pangit na infrastructure na sanhi ng kawalan ng interes ng investors na mamuhunan sa bansa.
Hindi aniya makalikha ng quality jobs-creating investors sa bansa dahil sa mga problemang ito na ilang dekada ng umiiral.
Sa katunayan, adbokasya ng ALU-TUCP ang responsible business sa bansa kung saan parehong malusog na uunlad ang buhay ng mga manggagawa at employers.
Umalma din dito ang Kilusang Mayo Uno (KMU).
Ayon sa grupo, kung may strike na nangyayari sa ngayon, bunga ito ng kabiguang ng gobyerno na resolbahin ang isyu ng contractualization at kawalan pa rin ng hakbang na tugunan ang mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.