UMALMA | Pamimigay ng questionnaire ng mga pulis sa mga estudyante ng UP Manila tungkol sa violent extremism and insurgency, hindi nagustuhan ng UP

Manila, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa pamunuan ng Philippine Public Safety College (PPSC) matapos na umalma ang University of the Philippines Manila dahil sa walang maayos na koordinasyon sa kanila sa ginawang pamimigay ng mga pulis na estudyante ng PPSC ng questionnaire tungkol sa violent extremism and insurgency sa bansa. Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt John Bulalacao, ang survey questionnaire ay research project na ginagawa ng mga Public Safety Advance Officers Course students ng National Police College sa ilalim rin ng Philippine Public Safety College ng DILG. Sa ngayon ipauubaya na aniya ng PNP sa PPSC ang mga hakbang na dapat nilang gawin matapos ang reklamong ito. Ang PPSC na rin aniya ang bahalang magdesisyon kung dapat bang ihinto ng mga estudyanteng pulis ang kanilang pamimigay ng survey questionnaire sa mga estudyante ng UP Manila. Sa reklamo ng UP Manila Student publication lahat ng kurso ng unibersidad ay binigyan ng kopya ng questionnaire nang wala man lamang isang nagpakilala para pangunahan ang survey.

Facebook Comments