Manila, Philippines – Isa si Presidential Spokesman Harry Roque sa mga humarap sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Mass Media ukol sa pagkalat ng Fake News. Agad na pinahayag ni Roque ang kanyang pagpalag sa senate bill number1680 na inihain ni committee Chairperson Senator Grace Poe na nagtatakda ng kaparusahan sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na pagmumulan ng fake news. Katwiran ni Roque, hindi patas ang panukala dahil mga taga gobyerno lang ang puntirya kasabay ang tanong na sino ba ang maaring humusga kung aling impormasyon ang peke at totoo. Paliwanag naman ni Senator Poe, dapat mas mataas ang standard at responsibilidad ng mga nasa gobyerno sa paglalabas ng impormasyon dahil maaring malaki ang maging epekto sa bansa at mamamayan anumang detalye na magmumula sa mga ito. Diin naman ni Secretary Martin Andanar, nakaparesponsable ng pinamumunuan niyang presidential Communications Operations Office o PCOO at berepikado ang mga inilalabas nilang impormasyon. Sa pagdinig ay muling inungkat ng mamamahayag at blogger na si Espina Varona ang pagpost ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson ng umano’y fake information sa kanyang blog. Isa rin aniyang insulto sa mga mamamahayag ang sinabi ni Asec. Mocha na hindi na kailangang iberepika ng bloggers kung fake o hindi ang anumang impormasyon na kanilang isi-share. Giit ni Varona, hindi maaring ihiwalay ng mga taga-gobyerno ang kanilang personal na social media account. Pahayag naman ni PCOO Asec. Marie Banaag, maaaring magsampa ng kasong libelo ang sinuman laban kay Asec. Mocha kung sa tingin nila ay libelous o may mali sa mga impormasyong inilalabas niya.
UMALMA | Secretary Harry Roque, pumalag sa panukala ni Senator Poe na nagpaparusa sa mga taga-gobyerno na pagmumulan ng fake news
Facebook Comments