Manila, Philippines – Binalaan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Department of Budget and Management (DBM) laban sa planong pagdeklara ng unmanageable fiscal deficit.
Ito ay para pangatwiranan ang pagpapatupad ng Section 284 ng Local Government Code na magbibigay daan sa pagkaltas ng 10-porsyento sa Internal Revenue Allotment o IRA ng Local Government Units o LGUs.
Pero giit ni Drilon, ang nabanggit na plano ay kontra sa kautusan ng Supreme Court (SC) na nagsasabing dapat ibase ang IRA ng mga lokal na pamahalaan sa kabuuang koleksyon ng gobyerno at hindi lamang sa buwis na nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa presentasyon ng proposed 2019 National Budget sa Senado ay ipinaliwanag ni Finance Secretary Carlos Dominguez na ang SC ruling ay magdudulot ng pagtaas sa 4-percent mula sa kasalukuyang 3-percent na fiscal deficit ng bansa.
Nakakatiyak si Drilon na papalagan ito ng mga LGUs dahil makakasira ito sa mga nakalinya na nilang programa o proyekto para sa dapat matanggap na dagdag na pondo.
Binanggit pa ni Drilon, na maaapektuhan din maging ang pasweldo sa mga empleyado ng LGUs at maghahatid din ito ng maling mensahe sa mga mamumuhunan.
Mungkahi ni Drilon, kunin sa iba, tulad sa intelligence fund, ang budget na kailangan para sa dagdag na IRA ng LGUs.