Manila, Philippines – Maraming beses na umanong na-bypass ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno si SC Court Administrator Midas Marquez.
Sa Korte Suprema, may ilang pagkakataon na bukod sa collegial decision sa en banc ng mga justices, may mga desisyon na dapat ay dumaan muna sa pag-apruba ng court administrator.
Ayon kay Marquez, ilang beses na ginawa sa kanya ang pag-bypass at madalas nalalaman na lamang niya na tapos na at may desisyon na pala ang Korte Suprema.
Ilan sa mga ito ay ang pagbuo ng Judiciary Decentralized Office (JDO) sa Region 7 na hindi dumaan sa kanyang approval gayundin ang pagbuo ng Special Committee at Technical Working Group para sa Survivorship Benefits ng mga spouses ng mga Justices at Judges.
Samantala, nagkasagutan naman sa pagdinig sina Justice Committee Vice Chairman Henry Oaminal at Antipolo Rep. Romeo Acop.
Tinanong kasi ni Oaminal si Marquez kung sa tingin nito ano ang nilabag ni Sereno sa paglikha ng Special Committee at TWG para sa survivorship benefits.
Umangal si Acop na hindi ito tamang itanong sa resource person dahil ang determinasyon sa pagtukoy kung may nilabag si Sereno ay nakadepende sa mga miyembro ng komite at hindi sa resource person.
Agad na sinuspinde ang pagdinig nang magkainitan na ang dalawang kongresista pero agad naman na binawi ni Oaminal ang kanyang tanong nang humupa na ang tensyon.