Umano’y bagong driver’s license rules na kumakalat online, peke ayon sa LTO

Pinabulaanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kumakalat na post sa iba’t ibang social media platform na gumagamit sa pangalan ng ahensya hinggil sa umano’y bagong patakaran sa pagkuha at pagkakaroon ng driver’s license.

Ayon sa LTO, may mga post na nagsasabing may ipatutupad umanong pagbabago sa mga alituntunin sa driver’s license simula ngayong araw, December 31, 2025, bisperas ng Bagong Taon.

Giit ng LTO, walang katotohanan ang naturang impormasyon at hindi ito nagmula sa alinmang opisyal na tanggapan o social media account ng ahensya.

Pinayuhan ang publiko na tiyaking kredible ang pinanggagalingan ng balita at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo at verified social media accounts ng LTO.

Muling paalala ng LTO sa publiko na huwag basta maniwala o magbahagi ng impormasyong hindi beripikado upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.

Facebook Comments