Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) kay Sen. Sherwin Gatchialian.
Ito’y matapos humingi ng saklolo ang senador sa PNP makaraang makatanggap ng death threat kasunod ng isinasagawang pagdinig ng Senado hinggil sa illegal POGO operations sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo inaalam na ng PNP-Anti-Cybercrime Group kung saan nanggaling ang banta sa buhay ng mambabatas.
Una nang dumulog sa himpilan ng pulisya si Gatchalian hinggil sa kumalat na video online kung saan pinapaligpit umano siya dahil sa kanyang aktibong partisipasyon sa imbestigasyon sa Senado hinggil sa iligal na POGO.
Maliban kay Sen. Gatchalian, ilang opisyal din ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang humingi ng tulong sa PNP matapos ding makatanggap ng death threat kaugnay pa rin ng POGO investigation.
Kasunod nito, siniguro ni Fajardo na nakahanda ang PNP na magbigay ng seguridad sa mga indibidwal na nakatatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay.