Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang umano’y binubuong “troll farms” na gagamitin para sa 2022 elections.
Sa House Resolution 1900 na inihain nila Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite, inaatasan ang House Committee on Public Information na siyasatin ‘in aid of legislation’ ang umano’y pagbuo ng isang Executive Department Undersecretary ng “internet troll farms” gamit ang public funds.
Mismong si Senator Panfilo Lacson ang nagbunyag ng impormasyon kung saan hanggang sa dalawang troll farms sa bawat probinsya sa bansa ang inilalagay ng isang undersecretary sa hindi pinangalanang departamento.
Nauna nang ibinabala ni Zarate na pahihinain at makokompromiso ng planong ito ang resulta at integridad ng 2022 national election.
Aalamin sa imbestigasyon kung talaga bang pera ng taumbayan ang ginamit sa operasyong ito.
Bubusisiin din kung ito rin bang mga troll farm ang nasa likod ng malawakang red tagging laban sa mga progresibong mambabatas, aktibista, kritiko, at mga nasa oposisyon.
Sakali aniyang public funds ang ginamit dito ay hindi lamang ito simpleng pagwawaldas sa pera ng taumbayan kundi isang krimen para siraan at i-harass ang sinumang tumutuligsa sa Duterte administration.