Pinaiimbestigahan ni Senator Imee Marcos ang umano’y dayaan sa voters registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Inihain ni Senator Marcos ang Senate Resolution 592 kung saan inaatasan ang kaukulang komite sa Senado na silipin ang sinasabing malawakang pandaraya sa voters registration para sa nalalapit na BSKE ngayong taon.
Ayon kay Senator Marcos, na Chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, sa kabila ng mga pagsisikap ng Commission on Election (COMELEC) na magpatupad ng batas, namamayagpag pa rin ang problema tuwing mag-eeleksyon sa mga tinatawag na “flying voters” o iyong mga botanteng nakarehistro sa maraming presinto.
Tinukoy sa resolusyon ang report noong March 31, 2022 kung saan na-detect ng COMELEC ang 892,627 double registrations para sa 2022 national at local elections.
Maging ang Barangay Carmona sa Makati City ay kinakitaan ng 78 percent na pagtaas sa bilang ng registered voters at registration applicants o mula 4,718 registered voters noong 2022 elections ay higit sa doble ang inakyat ng bilang na umabot na sa 8,415 para sa 2023 barangay elections.
Sa resolusyon ay agad na pinabibisita ni Marcos ang umiiral na election laws kabilang ang Voter’s Registration Act of 1996 at Omnibus Election Code para maresolba ang napakatagal nang problema tuwing sasapit ang halalan.