Walang bisa at hindi kinikilala ng Konstitusyon ang sinasabing gentlemen’s agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at China na nagbabawal umano ng re-supply sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Binigyang diin ito ni House Deputy Majority Leader and Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II na siya ring chairman ng House Special Committee on the West Philippine Sea.
Giit ni Gonzales, hindi maaaring ipatupad ang nabanggit na kasunduan dahil wala rin itong official record kaya hindi maituturing na executive agreement.
Paliwanag pa ni Gonzales, ang naturang kasunduan ay maituturing na bagong National Policy kaya dapat ay pagtibayin ito ng treaty at isusumite sa Senado para maratipikahan.
Katulad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagulat din si Gonzalez sa ideya na pumasok si dating Pangulong Duterte sa isang kasunduan na nagkompromiso sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea na sakop ng ating exclusive economic zone.