Umano’y ‘Gentleman’s agreement’ sa pagitan ni dating Pangulong Duterte at China, pinaiimbestigahan sa Kamara

Sinuportahan ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., laban sa umano’y “Gentleman’s Agreement” sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).

Bunsod nito ay iginiit ni Khonghun sa House of Representatives na imbestigahan ang naturang kontrobersyal na kasunduan na umano’y naglilimita sa pagdadala ng Pilipinas ng suplay sa Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Ang nabanggit na kasunduan umano ang ginagamit ng China na basehan ng pag- water canon nito sa mga barko ng Pilipinas na naghahatid ng supply sa mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre.


Para kay Khonghun, nakababahala ang sinasabing kasunduan dahil maaaring makompromiso rito ang teritoryo at kasarinlan ng Pilipinas.

Target ng isinusulong na imbestigasyon ni Khonghun na mailabas ang katotohanan, magkaroon ng linaw at mailatag ang nararapat na hakbang sa pagtaguyod ng interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Facebook Comments