Umano’y ghost students sa voucher program ng DepEd, tinalakay sa pagdinig ng Senado

Natuklasan sa pagdinig ng Senado ang mahigit 19,000 na undocumented o hindi matukoy na mga estudyante na nakatanggap ng voucher mula sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) program ng Department of Education (DepEd).

Inamin ni Rodrick Edsel Malonzo, Monitoring and Processing Officer ng Private Education Assistance Committee, sa pagdinig ng Senado na hindi sila makapagbigay ng dokumento sa ilang beneficiaries ng programa.

Puna ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian na sa madaling salita ay sinisingil ng private schools ang gobyerno gayong wala namang maipakitang patunay o dokumento na nag-e-exist o tunay ang mga estudyante.


Tanong tuloy ni Gatchalian, kung hindi mapatunayan ang mga mag-aaral na ito ay matatawag na ba ang mga ito na “ghost students” pero sagot ni Malonzo, sa ngayon ay itinuturing pa lang nila ang mga ito na “undocumented students”.

Batay naman sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA), nasa 115 senior high school student beneficiaries noong school year 2016-2017 ang ikinunsidera nilang “ghost students” pero lumalabas na nagkaroon ng error sa monitoring at sa listahan ng mga benepisyaryo matapos na dumoble ang nakuha nilang mga voucher.

Aabot naman sa P239 million ang kailangang i-refund o ibalik sa voucher program dahil sa undocumented students.

Facebook Comments