Umano’y Halagang P3 milyon na ‘COMFORT ROOM’ sa Landingan View Point, Kinukwestyon

Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa higit 3,000 signature campaign ang nakalap sa mga Nagtipuneros na tutol umano sa ginawang pangungutang sa Land Bank of the Philippines (LBP) ng LGU Nagtipunan para paglaanan ng pondo ang ilang proyekto sa naturang bayan.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Kgwd. Beltran Pet-Eg Almendral ng Sangbay, Nagtipunan, hindi sila kontra sa pag-unlad ng bayan kundi ang tanging pagtutol lang nila ang ginagawang ‘double appropriations’ o dobleng paglalaan ng pondo.

Aniya, sa loob ng 19 taon na panunungkulan bilang alkalde ang mag-ama ay kanila itong kinukwestyon partikular ang ginawang pag-utang ng P94 milyon at paglaan ng dobleng pondo sa ilang proyekto.


Paliwanag pa ni Almendral, isa rito ang pagpondo sa water system sa Ponggo na hindi naman dapat gawin ng LGU dahil una na itong napondohan ng Department of Agrarian Reform (DAR) na P5 milyon.

Dagdag pa ng opisyal, sa uutanging P763 milyon ay paglalaanan muli ng pondo ang ‘welcome arc ng Nagtipunan’ na matagal ng napaglaanan ng pondo sa mga nakalipas na pagdinig sa konseho.

Pakiusap ni Almendral na huwag sanang doblehin ang pagpondo sa ilang mga proyektong tapos na dahil ito lang ang kanilang tinututulan at hindi ang pag-unlad ng bayan ng Nagtipunan, Quirino.

Kaugnay nito, nakapaghain na ng reklamo sa Ombudsman ang pwersa ni Almendral upang kwestyunin ang ilang ‘unliquidated’ cash advance na umabot sa P74 milyon na bawal aniya dahil P60,000 lang ang maaaring cash advance.

Pinagsama na aniya ang kabuuang cash advance ng ama ng kasalukuyang alcalde noong ito pa ang namumuno sa nakalipas na ilang taon.

Sa pagtataya ni Almendral, posibleng P400 milyon ang mailalaang pondo sa pagpapaganda sa isang tourist attraction na Landingan View Point mula sa P763 milyon na uutangin ng LGU.

Samantala, mayroong umaakong may-ari ng lupang kinatitirikan ng Landingan View Point ayon kay Almendral kung kaya’t paiimbestigahan ang legalidad ng nasabing lupa upang maibigay sa tunay na nagmamay-ari nito.

Sinabi naman ni Almendral na nagkaroon na ng P1 milyon allotted budget mula sa development fund sa paglalagay ng palikuran sa Landingan View Point subalit naglaan muli ng P2 milyong piso ang LGU para sa nasabing marangyang CR.

Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang gagawing pangangalap ng signature campaign sa kampo ni Almendral para matiyak na hindi mauuwi sa wala ang pag-utang ng milyong pondo.

Facebook Comments