Wala umanong binabanggit si Manila Mayor Isko Moreno na hinahamon niya ang Inter-Agency Task Force (IATF) na sampahan ng kaso ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa nalabag na health protocols matapos dagsain ang Manila Baywalk Dolomite Beach.
Ito ang pahayag ni DENR Assistant Secretary Benny Antiporda sa panayam ng DZXL.
Ani Aniporda, tila nasobrahan ang pag-anggulo sa pahayag ng Manila mayor.
Aniya, sa katunayan ay nagkausap na sila ni Mayor Isko at pinuri pa ng alkalde ang mga pagsisikap na ginawa ng DENR.
Nauunawaan umano ni Moreno na hindi inaasahan ang pagdagsa ng mga tao dahil sa labis na paghanga at interes ng publiko sa Dolomite Beach.
Batid na rin aniya ng alkalde na mayroon na silang ginagawang hakbang para maiwasang maulit ang insidente.
Samantala, simula ngayong araw ay di na pinapayagan ang mga bata na nasa edad dose pababa na makapasok sa beach area.
Sarado naman ito sa publiko simula October 29 hanggang November 3, 2021 bilang pakikiisa sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.