Pinaiimbestigahan ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa Kamara ang umano’y hindi makataong pagtrato sa mga Pilipino na seasonal agricultural workers sa South Korea.
Sa inihaing House Resolution Number 1343 ay inilahad ni Magsino ang impormasyong natanggap na ang nabanggit na mga Pilipino ay dumaranas umano ng hindi magandang working conditions sa South Korea.
Sabi ni Magsino, hindi umano sila binibigyan ng disenteng pagkain, sobra-sobra ang oras ng kanilang trabaho, kalunus-lunos ang kanilang tinitirhan at hindi nasusunod ang nakasaad sa kanilang kontrata.
Nabatid ni Magsino na pagtatrabaho ng nabanggit na mga Pilipinong manggagawa ay nakapaloob sa kasunduan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan sa South Korea at Pilipinas.
Pero ang problema, ayon kay Magsino, walang malinaw na patakaran hinggil sa kasunduan at kanilang employment at hindi rin pala ito dumaan at nasuri ng Department of Migrant Workers (DMW).