Idaraos na ng Senate Blue Ribbon Committee bukas, February 21, ang kaso ng umano’y human smuggling gamit ang private plane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasama rin sa mga komite na mag-iimbestiga sa ‘di umano’y smuggling issue ng mga foreign national palabas ng bansa ang Committees on Public Order and Dangerous Drugs at Public Services.
Ang imbestigasyon ng Blue Ribbon ay nag-ugat sa privileged speech ni Senator Grace Poe noong February 15 tungkol sa ginawang pagpupuslit ng mga dayuhan sa NAIA palabas ng bansa noong February 13.
Nilinaw pa ni Poe na posibleng human smuggling ang kaso dahil kung human-trafficking ang terminong gagamitin ay dapat may pagpalag o pagtutol sa panig ng mga indibidwal na inilabas ng bansa pero sa kaso ng human smuggling ay nakipag-cooperate o nagkusa ang mga foreign nationals sa pagsakay sa private aircraft kahit walang kaukulang dokumento.
Aalamin sa pagsisiyasat kung talaga bang dumaan sa tamang proseso ang mga dayuhang naisakay ng eroplano.
Sa orihinal na manifesto, anim lang ang pasahero pero may idinagdag na isa na may clearance ng Immigration kaya naging pito ang pasahero na papunta sa Dubai.
Nababahala ang senador na baka napalulusutan ang NAIA ng mga iligal na gawain tulad ng illegal drugs o money laundering lalo’t walang report tungkol dito ang Customs.
Sakali naman na mapatunayang walang human smuggling, isa pa rin itong malaking security risk dahil maraming nakakapasok sa ‘restricted security areas’ na walang CCTV at hindi malabong magpasok ng mga kontrabando sa mga nakaparadang eroplano doon na hindi basta-basta mapapansin.