Tatlong inabusong aso ang nasagip sa isang operasyon sa Brgy. Motrico, La Paz, Tarlac, kamakailan, matapos salakayin ng awtoridad.
Inaresto si Bill Akira Narcida Watanabe alyas “Akira” dahil sa umano’y pagpapatakbo ng ilegal na sabong ng aso na isang paglabag sa Animal Welfare Act.
Pinangunahan ang operasyon ng CIDG-AOCU, katuwang ang PAOCC at AWIP.
Natagpuan ang mga asong may sugat at pagod, nakakadena sa masikip na lugar, may kasamang mga gamit para sa laban gaya ng bite stick, cage at gamot.
Nauna nang nailigtas ang pitong tuta kung saan isa rito ay malubhang nasugatan dahil sa malupit na training.
Lumitaw sa imbestigasyon na ibinobrodkast ang mga laban sa social media para ibenta ang mga asong sinanay sa labanan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa posibleng mas malawak na sindikato sa likod ng ilegal na sabong ng aso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









