
Binigyang-diin ni House Speaker Faustino “Bodjie” Dy III na hindi totoo, mali, at mapanlinlang ang nakasaad sa PCIJ report na may nangyaring insertions sa pagtalakay ng bicameral conference committee (BICAM) sa 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tugon ito ni Dy sa PCIJ report na nagsasabing umakyat sa P3.78 billion ang DPWH budget sa kaniyang distrito sa Isabela mula sa orihinal na proposal na P1.1 billion.
Ayon kay Dy, walang nangyayaring ‘insertion’ o palihim na pagdaragdag ng pondo o probisyon sa BICAM, at lahat ng nilalaman ng panukalang batas, kasama ang mga pondo, probisyon, at programa—ay dumaan sa tamang proseso na siyang inaprubahan ng buong House of Representatives sa ikatlong pagbasa.
Binanggit ni Dy na ang tungkulin ng BICAM ay ang pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara, hindi para magpasok ng bago o ipasa ang hindi napagkasunduan.
Bilang Speaker ng Kamara, naninindigan si Dy sa malinis, maayos, at tapat na proseso ng paggawa ng budget, hindi para sa pansariling interes kundi para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.









