Napasugod ang tatlong patrol vessels ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Mindanao sa lokasyon ng isang cargo vessel.
Ito’y matapos makatanggap ng ulat ang PCG District Southwestern Mindanao sa umano’y insidente ng seajacking na naganap noong July 16 sa MV Jeselli na may 17 sakay na tripulante.
Galing Bataan ang barko na may kargang mahigit 2,500 metric tons ng yellow corn na papuntang General Santos City.
Kasamang rumesponde ang BRP Capones at dalawang patrol vessel ng BFAR kung saan mga tauhan din ng PCG ang sakay.
Sa unang impormasyon na tinanggap ng PCG, ibinahagi umano ng Chief Mate ng cargo vessel sa kanilang kumpanya na isang bangkang kahoy ang dumikit sa barko at tinangay ang ilang kargamento.
Kaninang umaga, nalapitan at nagkaroon ng komunikasyon ang BRP Capones sa MV Jeselli kung saan dito ipinaabot ng kapitan at crew na walang naganap na seajacking at wala ring bangkang kahoy na tumabi at nagnakaw ng mga kargamento.