Pinabulaanan ng Market Division ng Dagupan City Treasurer’s Office ang umano’y kakulangan ng mga palikuran sa Magsaysay Public Market na siya umanong dahilan sa hindi kaaya-ayang amoy sa pamilihan kung saan ibinibenta ang iba’t ibang isda at seafood.
Lumitaw ang usapin matapos magsagawa ng flushing at paglilinis ang mga kaukulang ahensya kahapon at nitong mga nakaraang araw, kung saan ilan sa mga mamimili ang nagkomento na kaya umano nagkakaroon ng hindi magandang amoy sa paligid ng pamilihan ay dahil sa kakulangan ng palikuran at sa mga umiihi sa mga pader at gilid ng daanan.
Sa panayam ng iFM News Dagupan kay Market Supervisor II Joey Sabado ng Market Division Office, iginiit niya na mayroong sapat na palikuran sa naturang pamilihan na maaaring gamitin ng mga nagtitinda at ng mga mamimili.
Dagdag pa niya, hindi kakulangan sa palikuran ang problema kundi ang kawalan ng disiplina ng ilan sa mga nagtutungo sa pamilihan, hindi lamang sa paggamit ng palikuran kundi gayundin sa pagtatapon ng basura.
Nanindigan naman ang Market Division Office na patuloy ang kanilang mga operasyon at pakikipag-ugnayan sa ibang tanggapan sa lungsod upang mapangalagaan ang kaayusan at kalinisan sa Magsaysay Public Market.










