UMANO’Y KILLER HIGHWAY SA CALASIAO, KUMUHA NG APAT NA BUHAY SA LOOB NG ISANG ARAW

Tinagurian nang Killer Highway ang, kalsadang sakop ng Bued sa bayan ng Calasiao dahil sa mga aksidenteng naitatala roon, simula pa noong nakaraang taon.
Huwebes nang umaga nang isang motorcycle rider ang nasawi matapos magulungan ng truck.Kita sa mga kuhang video at larawan ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima.
Kinagabihan, tatlong katao naman ang nasawi habang siyam ang sugatan matapos magsalpukan ang isang bus at truck sa kahabaan ng National Road sa Barangay Bued, Calasiao, Pangasinan pasado alas-onse ng gabi.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente nang tangkain ng truck na mag-overtake sa sinusundang motorsiklo. Dahil dito, napunta ito sa linya ng kasalubong na bus at nagresulta sa malakas na head-on collision.Dahil sa tindi ng impact, naipit ang driver at tatlong sakay ng truck.
Agad silang dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ang driver at dalawa sa kanyang mga kasama. Isa pang menor de edad na sakay ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Sugatan din ang driver ng bus at pito nitong pasahero na agad na isinugod sa ospital.
Noong nakaraang taon, binendisyunan na ang nasabing kalsada dahil sa sunod-sunod na mga aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments