Umano’y koneksyon ng mining operations sa Zambales sa illegal construction ng Chinese infrastructures sa WPS, pinapaimbestigahan sa Senado

Pinapaimbestigahan ni opposition Senator Leila de Lima sa Senado ang koneksyon ng napabalitang illegal mining operations sa Candelaria, Zambales sa illegal construction ng Chinese infrastructure at reclamation projects sa West Philippine Sea.

Nakapaloob ito sa inihaing Senate Resolution No. 720 ni De Lima na layuning mabusisi kung ang nabanggit na minahan sa Zambales at iba pang large-scale mining projects sa Pilipinas ay umaayon sa mga umiiral na environmental laws, regulations, guidelines at procedures.

Tinukoy ni De Lima ang petition paper na inilabas ng Save Candelaria Zambales Movement, Inc., na ang mga materyales at resources na nakukuha sa umano’y ilegal na pagmimina ng Yinglong Steel Corporation sa Zambales ay ginagamit umano sa reclamation at pagtatayo ng military structures ng China sa West Philippine Sea.


Diin ni De Lima, ang pagsasagawa ng systematic review sa mga polisiya at lehislasyon na may kaugnayan sa pagmimina ay hindi lang titiyak sa proteksyon sa karapatang pantao at pag-iingat sa ating kalikasan.

Giit ni De Lima, daan din ito para maprotektahan ang ating soberenya sa pamamagitan ng pagsiguro na ang mga proyekto at paggamit sa likas na yaman ng bansa ay pinapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Facebook Comments